Kuyog, Train to Busan, Judas.

“Humanda ka, kuyog ito.”

Spoiler Alert: Sa mga hindi pa nakakapanood ng pelikulang BUYBUST, ano pang hinihintay niyo? Pero kung oo, tara kwentuhan tayo.

“Humanda ka, kuyog ito.”

Mga katagang sinambit ni Agent Manigan (Anne Curtis) kay Agent Yatco (Brandon Vera) ilang saglit bago sila sugurin ng mga nagngangalit na residente ng Barangay Gracia ni Maria, isang slum area sa gitna ng Maynila.

BUYBUST. Sa Giyera Kontra Droga, isang bagay ang gustong sabihin ni Erik Matti sa pelikulang ito. Sino ang palaging talunan? Pamahalaan, pulisya, drug lord, pusher, user? Biktima. Sino ang biktima? Walang iba kung hindi ang mga maliliit na mamamayan na palaging ipit sa nagbubunguang mga pader ng gobyerno at drug dealers sa tuwing may engkwentro ang dalawang panig.

Paano kung magsawa na ang mga maliliit na mamayang ito sa paulit ulit na sitwasyon na palagi nalang silang agrabiyado? Anong ang kanilang gagawin? Tama na. Sobra na. Sila naman ang kikilos, gaganti at papatay sa kahit na ano pa mang paraan.

Hindi ito istorya ni Manigan, bagkus ito ay istorya ng mga biktimang naipit sa sagupaan, mga walang pangalan o pagkakakilanlan. Buhay man o patay.


Naalala ko ang pelikulang Train to Busan.

Nang magsimula ng magalit ang taong bayan at gumamit ng dahas at inilabas nila ang matagal ng kinikimkim, nang barilin ni Chongki ang isang matanda nang biglang tumunog ang cellphone nito habang siya ay nagsasalita. Ang probokasyon na nagtulak sa mga residente ng Maria na lumaban. Ipinapakita nito ang eksaharadong reaksiyon ng masa na punung puno ng pagkabrutal, to the point na wala na yung “sense of sanity” o yung “reason.” Patay kung patay.


Sino si Judas? “Marami sila.” Sabi nga ni Biggie Chen (Arjo Atayde), sa reyalidad ng buhay, mapatay man ang Judas, mayroong papalit na bagong Judas. Sa simula akala ko si Dela Cruz ang Judas, sumunod si Detective Alvarez, tapos may mystery caller sa dulo ng pelikula na naninigurong hindi siya madadawit sa gulo. Sa katapusan, parepareho silang Judas.


Sa kabuoan, mahusay ang buong pelikula. Gustong gusto ko ang trabaho ni Anne Curtis dito. Hindi mo iisiping kaya niya ang ganito klase ng role. This speaks so much of her as an actor. Well done.

Hindi ko alam kung sound effects lang yung kulog at ulan sa pelikula. Pakiramdam ko kasi ginawa yung shoot habang may actual na ulan. It felt and sounded so real na para akong nababasa.


Yung ending ang nagsumarize ng lahat. Makikita sa aerial shot ang tunay na mga biktima na kabalintunaan ng official report sa media.

Advertisements

Ang Lakwatserong Pangit